-- ADVERTISEMENT --

Patay ang isang 33-anyos na lalaki matapos tamaan ng mga batong gumuho mula sa gilid ng bundok habang bumibiyahe sa Zigzag Road sa Sitio Spring, Barangay Poblacion, T’Boli, South Cotabato, nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa mga awtoridad, bandang 4:20 ng hapon ay binabagtas ng biktima ang rutang mula Barangay New Dumangas patungong Barangay Poblacion sakay ng kanyang motorsiklong Honda CRF 150 nang bigla umanong gumuho ang mga bato sa matarik na bahagi ng bundok at tumama sa kanyang ulo.

Kinilala ang biktima na si alyas Jelly, isang field worker at residente ng Barangay Datal Dlanag, T’Boli.

Agad naman siyang isinugod sa Moore House Mission Hospital ngunit idineklara ng doktor na dead on arrival.

Rumesponde ang T’Boli Municipal Police Station matapos ang ulat mula sa isang concerned citizen, at isinailalim sa kaukulang proseso ang labi bago ito ibinalik sa kanyang pamilya.

Dahil sa nangyari, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na maging maingat sa pagdaan sa mga lugar na may panganib ng rockfall, lalo na sa panahon ng malakas na pag-ulan.