Nanawagan si Pope Leo XIV sa Estados Unidos na ipagpatuloy ang tradisyon nito ng pagtanggap sa mga imigrante at manatiling tapat sa mga prinsipyong nagbigay rito ng reputasyon bilang simbolo ng kalayaan.
Sa isang video message mula sa Vatican, tinanggap ng Santo Papa ang Liberty Medal mula sa National Constitution Center sa Philadelphia. Sa kanyang mensahe, sinabi niyang naging sagisag ang “America” ng kalayaan sa buong mundo dahil sa pagiging bukas nito sa mga taong naghahanap ng bagong buhay at oportunidad.
Hinikayat din ni Pope Leo ang Estados Unidos na patuloy na isabuhay ang mga adhikaing nakasaad sa Declaration of Independence, lalo na sa nalalapit na paggunita ng bansa sa ika-250 anibersaryo ng kalayaan nito.
Ayon sa Santo Papa, nararapat na manatiling gabay ng Amerika ang pagkakaisa, katarungan, at kapayapaan—mga pagpapahalagang itinaguyod ng mga founding fathers.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagprotekta sa buhay mula sa sinapupunan hanggang sa natural na kamatayan, at sinabi na nasusukat ang moral na lakas ng isang bansa sa paraan ng pagtrato nito sa mga mahihina at higit na nangangailangan ng proteksyon.
Bagama’t hindi niya pinangalanan si U.S. President Donald Trump o sinumang opisyal ng pamahalaan, kilala si Pope Leo sa kanyang mga naunang pahayag na kumukuwestiyon sa ilang mahihigpit na polisiya sa imigrasyon na aniya’y hindi makatao.
Si Pope Leo, na ipinanganak sa Chicago, ay hindi pa nakakabalik sa Estados Unidos mula nang mahalal bilang Santo Papa noong 2025, ngunit patuloy na nakikilahok sa mga mahahalagang pagtitipon sa pamamagitan ng mga video message.













