-- ADVERTISEMENT --

Sumisigaw ng hustisya sa ngayon ang pamilya at mga kaklase ng 15-anyos na estudyanteng si Chris Lorenz Fabian matapos itong masawi sa naganap na pamamaril sa loob ng San Jose National High School noong Lunes, Hunyo 22, 2026. Si Fabian ay itinuturing na bayani ngayon dahil sa pag-una nito sa kaligtasan ng kaniyang mga kasamahan bago ang sarili.

Ayon sa mga saksi at mga video na kumalat sa social media, kasagsagan ng klase nang marinig ang sunod-sunod na putok ng baril mula sa mga armadong suspek. Sa halip na magtago, mabilis na tumakbo si Fabian patungo sa pinto ng kanilang silid-aralan upang harangan at isara ito, na siyang nakapigil sa mga suspek na makapasok sa loob. Dahil sa kaniyang mabilis na aksyon, maraming mag-aaral ang nailigtas mula sa mas malubhang kapahamakan.

Gayunpaman, habang sinisiguro ang pinto ay tinamaan si Fabian ng bala sa kaniyang likuran. Sa kabila ng tinamong sugat, nakuha pa nitong sabihan ang kaniyang mga kaklase na iwanan na siya at tumakbo na palabas upang isalba ang kanilang mga buhay. Si Fabian ay idineklarang patay kasama ang dalawa pang mag-aaral sa naturang insidente na nag-iwan din ng mahigit 20 sugatan.

Ayon sa Philippine National Police, nasa piitan na ang dalawang suspek na kapwa menor de edad at mga mag-aaral din sa nasabing paaralan. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril at kung paano nakapagpuslit ng armas ang mga suspek sa loob ng campus.