-- ADVERTISEMENT --

Umabot na sa 38 katao ang naitalang nawawala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao, mula sa dating 31, ayon sa Office of Civil Defense (OCD). Nanatili naman sa 47 ang kumpirmadong nasawi hanggang Huwebes ng gabi.

Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang pagtaas ng bilang ng mga missing ay batay sa mga bagong ulat na nagmula sa Glan, Sarangani at General Santos City. Patuloy pa rin aniya ang beripikasyon ng mga datos upang matiyak ang katumpakan ng mga bilang at maiwasan ang dobleng paglista o maling pag-uuri ng mga kaso.

Kasabay nito, pinoproseso rin ng Department of Health at Department of the Interior and Local Government ang mga ulat ukol sa bilang ng mga nasawi upang maitugma sa iba’t ibang tala ng pamahalaan.

Sa mga apektadong lugar, nananatiling mahirap ang access sa ilang baybaying komunidad tulad ng Glan, Jose Abad Santos sa Davao Occidental, at Balut Island, dahil sa mga landslide at pinsalang iniwan ng lindol. Dahil dito, patuloy ang operasyon ng Department of Public Works and Highways sa clearing ng mga kalsada.

Gumagamit naman ang mga awtoridad ng helicopter at mga bangka upang maihatid ang tulong sa mga isolated na lugar habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.

Ayon sa OCD, susuriin pa ang sitwasyon sa mga susunod na araw upang matukoy kung ipagpapatuloy pa ang search and rescue operations o lilipat na sa retrieval phase sa mga lugar na mahirap nang ma-access.