-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nagkaroon siya ng anumang pag-uusap kay Senator Jinggoy Estrada kaugnay sa kinahaharap nitong plunder at graft cases.

Ayon kay Remulla, may mga impormasyon lamang na nakarating sa kaniyang tanggapan na may ilang indibidwal umanong nakikipag-ugnayan o lumalapit sa naturang Senador, subalit nilinaw niyang hindi kailanman siya mismo ang nakipag-usap dito hinggil sa kaso.

Binigyang-diin ng Ombudsman na dapat manatiling nakabatay sa ebidensya ang anumang aksyon ng kanyang opisina, at hindi dapat maimpluwensyahan ng anumang uri ng politika o personal na interes. Giit pa niya, hindi niya papayagan na magamit ang institusyon bilang kasangkapan sa anumang political agenda.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang isinampang ₱573-milyong plunder at graft cases laban kay Estrada at apat pang akusado ay may bahid umano ng pamumulitika, na lalo pang nagdagdag ng kontrobersiya sa isyu.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong si Estrada at ilang kapwa akusado matapos magpalabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control project na nakapaloob sa kaso.