Pormal nang inilunsad ng Department of Education o DepEd ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang bahagi ng paghahanda para sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo 8.
Ayon kay Sonny Angara, tatakbo ang Oplan Balik Eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 11 upang matiyak ang maayos, ligtas, at organisadong pagbubukas ng klase sa buong bansa.
Layunin ng programa na mapabilis ang enrollment process, agarang matugunan ang mga concern ng mga magulang at estudyante, at matiyak na handa ang mga paaralan para sa panibagong school year.
Makikibahagi sa preparasyon ang 16 na ahensya ng gobyerno at utility partners upang tumulong sa iba’t ibang aspeto ng school opening operations.
Kabilang dito ang Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Department of Health, at Metropolitan Manila Development Authority na tututok sa seguridad, kalusugan, at traffic management sa paligid ng mga paaralan.
Samantala, pangungunahan naman ng Department of Transportation ang monitoring sa daloy ng mga commuter kasabay ng pagbabalik-eskwela habang tutulong ang Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission upang mapalakas ang communication at internet connectivity services.
Nakaalerto rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa posibleng epekto ng masamang panahon at iba pang emergency situations sa panahon ng pagbubukas ng klase.
Inatasan din ang Meralco at Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.
Magbubukas din ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center na maaaring kontakin sa pamamagitan ng hotline, text, email, at social media upang mabilis na matugunan ang mga concern ng publiko mula national hanggang school level.
Hinikayat naman ng DepEd ang buong publiko na makiisa upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbubukas ng klase ngayong taon.













