-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala si ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na maaaring makaapekto sa anumang hiling na pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pahayag ng kaniyang mga kaalyado, kabilang si Senate President Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Conti, maaaring makita ng International Criminal Court (ICC) bilang indikasyon ng patuloy na impluwensiya ni Duterte sa bansa ang ginawang pagtatanggol ni Cayetano sa war on drugs ng nakaraang administrasyon. Dahil dito, posible umanong ikonsidera ng ICC na may mga taong handang tumulong sa dating pangulo kung sakaling makabalik ito sa Pilipinas.

Sa isang panayam nitong Linggo, sinabi ni Conti na ang naging pahayag ni Cayetano na “pro-life” umano ang war on drugs ay nagpapakita na nananatiling matatag ang suporta kay Duterte.

“Kapag nakita ng ICC na malakas pa rin ang koneksiyon at impluwensiya niya rito, maaaring maging concern iyon sa usapin ng posibleng pagtakas o pag-iwas sa proseso,” paliwanag ni Conti.

Matatandaang iginiit ni Cayetano sa isang Facebook livestream na layunin umano ng war on drugs na protektahan ang buhay at komunidad laban sa ilegal na droga, taliwas sa mga batikos na nauwi ito sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Matagal nang kaalyado ni Duterte si Cayetano, na naging running mate nito noong 2016 elections at nagsilbi ring foreign affairs secretary at House speaker sa ilalim ng dating administrasyon.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na tugon si Cayetano kaugnay sa naging pahayag ni Conti.