-- ADVERTISEMENT --

Muling iginiit ni Vice President Sara Duterte ang panawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos humarap sa kanyang mga tagasuporta sa Quezon City Justice Hall.

Kasunod ito ng pagpapaliban sa kanyang arraignment sa Quezon City Regional Trial Court sa kasong grave threats dahil sa mga nakabinbing mosyon ng kanyang kampo.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Duterte na hindi niya kayang manahimik habang nakikita umano ang paghihirap ng mga Pilipino at kanilang mga pamilya. Direkta niyang binatikos si Marcos, na tinawag niyang “sinungaling” at “abusado,” at iginiit na dapat na itong magbitiw sa puwesto.

Hinimok din ng Bise Presidente ang kanyang mga tagasuporta na ipagpatuloy ang kanilang laban laban sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa katiwalian at iba pang kontrobersiya.

Sa kabila ng kanyang mga pahayag, nananatiling bahagi ng legal na proseso ang Bise Presidente habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kasong kinakaharap niya.