-- ADVERTISEMENT --

Muling iginiit ni Gilberto Teodoro Jr. na hindi na bukas ang pamahalaan sa panibagong peace talks sa mga miyembro ng New People’s Army, kasabay ng pagpapatuloy ng kampanya kontra armadong insurgency.

Ginawa ni Teodoro ang pahayag sa naging pakikipagpulong nito kay Eugenio Jose Lacson at iba pang lokal na opisyal sa Bacolod City, kung saan muling binigyang-diin ng pamahalaan ang layuning tuluyang sugpuin ang mga natitirang armadong rebelde sa bansa.

Gayunman, nilinaw ng kalihim na nananatiling bukas ang gobyerno sa pagtanggap sa mga rebelde na nais magbalik-loob at magsimulang muli sa ilalim ng mga reintegration program ng estado.

Ang pahayag ni Teodoro ay kasunod ng naitalang engkuwentro noong Abril 19 sa Toboso kung saan nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng militar at mga hinihinalang rebeldeng NPA.

Matatandaang noong 2023 ay pumayag ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na muling ituloy ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines matapos lumagda ang magkabilang panig sa isang kasunduan para buhayin ang peace negotiations.