-- ADVERTISEMENT --

Mariing tinutulan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang panawagan ng ilang kapwa senador na kusang sumuko sa International Criminal Court, kasabay ng iginiit niyang hindi siya magpapaaresto habang ginagamit pa niya ang lahat ng legal na remedyo na maaari niyang tahakin.

Ayon kay Dela Rosa, wala siyang balak sumuko at hinimok pa ang mga may-akda ng Senate Resolution 395 na huwag madaliin ang kanyang posibleng pag-aresto.

Ang resolusyon ay inihain nina Vicente “Tito” Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan, at Bam Aquino na nananawagang makipagtulungan sa proseso ng ICC.

Sa isang panayam, sinabi rin ng senador na naniniwala siyang maraming Pilipino ang hindi sang-ayon na dalhin siya sa ICC. Ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa panawagan ng ilang mambabatas, at aminadong mas nasaktan siya nang makitang kabilang si Lacson sa mga lumagda sa naturang resolusyon.