-- ADVERTISEMENT --

Umabot na sa mahigit ₱117 milyon ang naipamahaging tulong ng Department of Social Welfare and Development para sa mga pamilyang naapektuhan ng patuloy na pag-aalboroto ng Mayon Volcano sa Albay.

Ayon sa ahensya, kabilang sa naipamahaging ayuda ang mahigit 71,000 family food packs, libo-libong non-food items, at ready-to-eat food packs para sa mga evacuees. Nagbigay rin sila ng cash-for-work assistance sa mahigit 3,400 benepisyaryo, kabilang ang mga magsasakang nawalan ng kabuhayan dahil sa aktibidad ng bulkan.

Bukod dito, naglaan din ng emergency cash transfer na higit ₱10,000 kada pamilya upang tugunan ang agarang pangangailangan ng mga internally displaced persons.

Sa kasalukuyan, mahigit 1,400 pamilya ang nananatili sa 14 evacuation centers sa Albay. Patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na kondisyon sa mga evacuation site.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nagpapatuloy pa rin ang aktibidad ng Mayon kabilang ang ash emissions at pyroclastic density currents na dulot ng pagguho ng lava, na nagpapahiwatig na nananatiling aktibo at delikado ang sitwasyon.