Halos 199,000 indibidwal ang naapektuhan ng patuloy na pag-aalburuto ng Mayon Volcano, ayon sa Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Irene Dumlao, katumbas ito ng mahigit 52,000 pamilya. Sa bilang na ito, 1,444 pamilya o 5,459 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Kasunod ng naitalang strombolian eruption noong nakaraang weekend, agad na namahagi ang DSWD ng family food packs sa mga apektadong komunidad. Sa kabuuan, mahigit 71,000 family food packs na ang naipamahagi bilang tulong sa mga lokal na pamahalaan.
Tiniyak din ng ahensya na sapat ang suplay ng pagkain, inuming tubig, at non-food items para sa mga internally displaced persons, lalo na ang nasa evacuation centers.
Bukod dito, ipinatutupad ang cash-for-work program para matulungan ang mga apektadong magsasaka, habang nagpapatuloy ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga bata at iba pang vulnerable sectors.
Naglatag din ng women and child-friendly spaces sa evacuation centers upang mabigyan ng learning activities ang mga bata at makatulong na mabawasan ang stress at anxiety na dulot ng sitwasyon.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa higit ₱117 milyon ang kabuuang halaga ng naipamahaging humanitarian assistance ng DSWD hanggang nitong Lunes ng umaga.












