-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nagpapagaling sa bahay pagamutan ang isang 53-anyos na ina matapos barilin sa loob mismo ng kanilang bahay habang naghahapunan kasama ang kanyang anak noong Martes ng gabi, Abril 28, 2026, sa Sitio Elgawel, Barangay Saravia, lungsod ng Koronadal.

Kinilala ng Koronadal City Police Station ang biktima na si Ledda Villajardo Aperocho, residente ng naturang lugar at kasalukuyang walang trabaho.

Ayon sa ulat, bandang alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, kumakain ng hapunan ang biktima kasama ang kanyang anak sa kusina ng kanilang bahay nang bigla umanong pumasok ang hindi pa nakikilalang suspek, na tinutukoy sa alyas na “Dio,” at walang habas na nagpaputok ng baril.

Dalawang beses na tinamaan ang biktima sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.

Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek patungo sa madilim at madamong bahagi ng barangay upang makaiwas sa pagtugis ng mga awtoridad.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, nakarekober ang mga scene of the crime investigators ng dalawang basiyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Patuloy ang manhunt operation laban sa suspek, habang iniimbestigahan pa ng pulisya ang posibleng motibo sa likod ng insidente.