Nilinaw ni Col. Manaros Boransing II sa Impeachment Court na nasa P30,000 hanggang P60,000 lamang ang karaniwang ginastos ng Philippine Army sa bawat isa sa walong Youth Leadership Summits (YLS) na isinagawa nito.
Ayon kay Boransing, umaabot sa P60,000 ang nagastos sa YLS sa Lanao del Sur, habang nasa P30,000 naman ang inilaan sa iba pang lugar, depende sa pangangailangan ng aktibidad.
Tinanong ito ni Senator-judge Bam Aquino tungkol sa karaniwang badyet ng AFP para sa naturang programa. Batay sa mga halagang nabanggit, tinantiya ni Aquino na hindi lalampas sa P500,000 ang kabuuang gastos ng militar para sa walong YLS.
Ipinaliwanag din ni Boransing na ang pondo ay pangunahing ginamit para sa koordinasyon at iba pang pangangailangan sa ilalim ng representation account codes, na karaniwang inaasikaso ng mga infantry battalion.
Samantala, nang tanungin tungkol sa ulat na umabot sa P15 milyon ang ginastos para sa information gathering, surveillance at security services, tumanggi si Boransing na magbigay ng personal na opinyon, dahil nagpapatuloy pa ang impeachment trial at wala pang pinal na desisyon ang Commission on Audit.
Binigyan naman ni Aquino ng leeway ang testigo sa pagtatanong bilang pagkilala sa kaniyang patuloy na serbisyo bilang aktibong miyembro ng AFP.













