-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni Joel Chua, kinatawan ng Maynila at miyembro ng House Justice Committee, ang paratang na nagkakaroon ng “grandstanding” sa impeachment proceedings laban kay Sara Duterte.

Ang pahayag na ito ay tugon sa kritisismo ni Salvador Panelo, na nagsabing posibleng ginagamit ng ilang mambabatas ang pagdinig para sa libreng publicity, lalo’t papalapit ang 2028 elections.

Ayon kay Chua, mahigpit ang pamamalakad ng komite sa ilalim ni Gerville Luistro, na siyang committee chair. Hindi umano pinapayagan ang mga tanong na walang kinalaman sa kaso, at agad nasisita ang sinumang lalihis sa usapin.

Binigyang-diin din niya na mataas ang pamantayan sa pagdinig—nakatuon lamang sa mga ebidensya at affidavit ang diskusyon. Aniya, walang kinikilingan ang komite, at parehong napagsasabihan ang mga miyembro mula sa majority at minority kung kinakailangan.

Dagdag pa ni Chua, transparent ang proseso dahil bukas sa publiko ang mga rekord ng pagdinig. Sa kabuuan, iginiit niyang disiplinado ang justice panel—walang pagpapapansin o palabas, kundi trabaho lamang ang pinaiiral.