Ligtas nang nakabalik sa bansa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya mula Gitnang Silangan, kasunod ng pinaigting na repatriation efforts ng pamahalaan sa gitna ng tensyon sa rehiyon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kabuuang 138 OFWs kasama ang kanilang dependents ang dumating sa Pilipinas sakay ng dalawang magkahiwalay na flight mula Dubai at Doha. Kabilang dito ang 112 OFWs at 44 dependents mula Dubai, at 25 OFWs at 15 dependents mula Doha.
Naging posible ang kanilang pagbabalik sa tulong ng mga Migrant Workers Offices, Department of Foreign Affairs, at mga embahada ng Pilipinas sa nasabing mga lugar.
Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, sinalubong ang mga repatriate ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na agad nagbigay ng tulong tulad ng medical at financial assistance, pansamantalang matutuluyan, at libreng transportasyon pauwi sa kanilang mga probinsya.
Hindi rin nagtatapos sa pag-uwi ang suporta ng pamahalaan. Nangako ang gobyerno ng tuloy-tuloy na tulong sa reintegration ng mga OFW, kabilang ang livelihood programs, skills training, at psychosocial support upang matulungan silang makapagsimulang muli sa bansa.
Isinasagawa ito sa ilalim ng programang Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa: National Reintegration Network (NRN), alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may sapat na suporta ang mga nagbabalik na manggagawa, lalo na sa gitna ng patuloy ngunit pansamantalang ceasefire sa pagitan ng Iran at Israel.













