-- ADVERTISEMENT --

Pitong Pilipinong seafarer ang nasugatan matapos tamaan ng drone attack ang sinasakyang container ship na dumaan sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na apat sa mga tripulante ang nagtamo lamang ng minor injuries, habang tatlo pa ang nananatiling nasa ilalim ng obserbasyon dahil sa mas malalang sugat mula sa insidenteng naganap noong Mayo 5.

Kabilang umano ang mga nasugatan sa crew ng container ship na MV San Antonio. Nilinaw din ng DMW na Maltese-flagged vessel ang barko at hindi French-flagged gaya ng unang lumabas sa ilang international reports.

Ayon sa ahensya, agad na nailikas ang mga Pilipinong tripulante mula sa barko at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital sa tulong ng Philippine embassy officials at labor attaches sa rehiyon.

Kasunod ito ng tumitinding tensyon sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang shipping routes sa mundo, kung saan patuloy na nanganganib ang mga commercial vessel dahil sa sigalot na iniuugnay sa Iran at sa US-Israel alliance.

Samantala, sinabi ng DMW na higit 1,400 Pilipinong seafarers na ang ligtas na nakalabas sa naturang maritime corridor habang patuloy na mino-monitor ng gobyerno ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan.