-- ADVERTISEMENT --

Naghatid ng unang medalya para sa Pilipinas sa 2026 Asian Games ang women’s soft tennis team matapos masungkit ang bronze sa team event sa Aichi-Nagoya, Japan.

Kabilang sa koponan sina Bien Zoleta, Princess Catindig, Noelle Mañalac, Christy Sanosa at Shyryn Salazar. Umabante sila sa semifinals matapos magtala ng 2-1 record sa Group B.

Tinalo ng Pilipinas ang Mongolia, 3-0, at Thailand, 2-1, bago yumuko sa Chinese Taipei, 0-3. Dahil sa kanilang second-place finish sa grupo, nakasiguro na sila ng bronze medal dahil walang bronze-medal playoff sa event.

Sa semifinals sa Higashiyama Park Tennis Center, hinarap ng Pilipinas ang host at reigning Asian Games champion na Japan. Nabigo ang Pinay squad na umabante sa finals matapos matalo, 0-2.

Natalo sa doubles sina Catindig at Mañalac, bago naman nabigo si Sanosa sa singles laban kay Ayaka Iwakura, na nagselyo sa panalo ng Japan.

Sa kabila nito, makasaysayan ang resulta para sa Pilipinas dahil ito ang unang Asian Games medal ng bansa sa soft tennis. Ayon kay Zoleta, bunga ito ng matagal na paghahanda at pagsisikap ng buong koponan.

Hindi pa rito nagtatapos ang kampanya ng ilang miyembro ng koponan, dahil nakatakda pa silang lumahok sa mixed doubles at singles events sa mga susunod na araw ng kompetisyon.