-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot na sa mahigit 6,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang matagumpay na na-repatriate mula sa Middle East simula nang sumiklab ang kaguluhan sa rehiyon. Kasama rito ang mga manggagawang galing sa Kuwait, Bahrain, Qatar, at iba pang karatig-bansa.

Ang datos ay ibinahagi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Atty. Hans Leo J. Cacdac sa kanyang pagbisita sa lungsod para sa programang “Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa.”

Sa Rehiyon Dose, kinumpirma ni DMW-12 OIC-Regional Director Samsudin Lintongan na mayroon nang 135 repatriated individuals. Narito ang breakdown:

  • Sarangani: 32
  • South Cotabato: 37
  • North Cotabato: 43
  • Sultan Kudarat: 17
  • BARMM: 6

Tiniyak ni Sec. Cacdac ang tuluy-tuloy na monitoring ng DMW at OWWA upang masiguro ang basic needs assistance para sa mga apektadong manggagawa. Bagama’t marami na ang nakatanggap ng ayuda paglapag pa lamang sa Maynila, hinikayat ni Lintongan ang mga wala pang natatanggap na lumapit sa kanilang tanggapan. Sa kasalukuyan, mahigit 20 na ang nag-apply para sa suporta sa regional office.

Sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan, muling nanindigan ang gobyerno na handa silang umalalay sa pagdami pa ng mga inaasahang uuwing OFWs.