-- ADVERTISEMENT --

Hindi bababa sa tatlong (3) Palestino ang nasawi sa Gaza noong Sabado matapos ang dalawang magkahiwalay na airstrike na isinagawa ng Israeli military, ayon sa mga lokal na opisyal sa kalusugan at mga medic sa Palestine.

Ito ang pinakabagong insidente sa kabila ng ceasefire na pinangunahan ng Estados Unidos na umiiral na nang mahigit limang (5) buwan.

Ayon sa Palestinian health officials, isang lalaki ang nasawi sa airstrike habang nasa loob umano ng sasakyan sa Khan Younis sa southern Gaza. Samantala, dalawa namang magkapatid na lalaki ang napatay sa Shujiaya, isang lugar sa Gaza City.

Wala pang agarang pahayag ang Israeli military kaugnay sa naturang dalawang airstrike.

Mula nang ipatupad ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas noong Nobyembre, umabot na sa higit 680 Palestino ang nasawi sa Gaza, ayon sa mga lokal na opisyal sa kalusugan. Simula naman nang sumiklab ang digmaan noong Oktubre 2023, mahigit 72,000 na ang naiulat na nasawi.

Ayon sa Hamas-affiliated na Shehab News Agency, napatay ang magkapatid matapos umano silang tangkaing dukutin ng isang militia ng mga Palestinong sinusuportahan ng Israel sa Gaza.

Itinanggi naman ng Hamas at iba pang militanteng grupo na kabilang sa kanilang hanay ang magkapatid.

Ayon sa mga saksi, armado ang magkapatid at nakipagpalitan ng putok sa militia bago sila pinuntirya ng mga drone. Iniulat din na nagpaputok ang mga tangke ng Israeli military.

Sa kabila ng ceasefire, nagpapatuloy pa rin ang karahasan sa Gaza. Ayon sa mga health officials, hindi bababa sa 40 Palestino ang napatay ng Israeli forces mula nang magsimula ang tensyon sa Iran isang buwan na ang nakalipas.