-- ADVERTISEMENT --

Tuluyan nang ibinasura ng Senado ang hiling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magamit ng kaniyang pamilya ang Senate Mansion sa Baguio City mula Marso 26 hanggang 29, 2026, matapos kumpirmahin ng pamunuan na patuloy pa itong sumasailalim sa pagkukumpuni.

Ayon sa kumalat na liham na may petsang Marso 12, hiniling ni dela Rosa kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magamit ang mansion upang matuluyan ang kaniyang pamilya habang gaganapin ang CSAFP Cup 2026 Shooting Competition sa firing range ng Philippine Military Academy (PMA).

Subalit, pormal na kinumpirma ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza na hindi napagbigyan ang hiling ng senador dahil hindi pa tapos ang mga pagsasaayos sa mansion.

Nauna nang tumanggi si Senate President Sotto na kumpirmahin o pabulaanan ang kumalat na liham at iginiit na ito ay isang privileged communication, kaya’t iniwasan na lamang niyang magbigay ng pahayag at ipinaubaya na ang paglilinaw sa Senate Secretariat.

Sa kabila ng isyu sa Senate Mansion, tiniyak ni Sotto na patuloy na aktibo si dela Rosa sa mga trabaho ng Senado, at isang patunay dito ang paglagda ng senador sa Senate Resolution 343 na naghihimok sa administrasyon na maglabas ng mga contingency plans bilang tugon sa kasalukuyang krisis sa presyo ng langis.