Tiniyak ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi sangkot ang Pilipinas sa nagpapatuloy na labanan sa Middle East at hindi ito kakampi sa alinmang panig.
Kasabay nito, nanawagan ang Pangulo ng restraint sa mga bansang direktang sangkot sa sigalot sa pagitan ng United States, Israel, at Iran, at umaasang sa lalong madaling panahon ay matitigil ang bakbakan.
Gayunman, iginiit niya na ang mga direktang kalahok lamang ang maaaring magdeklara ng tigil-putukan.
Ipinahayag din ng Pangulo ang suporta sa mga bansang sinalakay at ang pagnanais na agad matapos ang krisis.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa iba pang mga lider upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Ayon kay Marcos, ang pinakamahalagang prayoridad ngayon ay ang seguridad at kapakanan ng mga kababayan.













