-- ADVERTISEMENT --

Ipinabatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala umanong naiulat na Pilipinong nasawi o nasugatan sa gitna ng isinagawang joint combat operations ng United States at Israel laban sa Iran.

Ito ay kasunod ng mga ulat na nasawi sa isang airstrike ang Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei.

Sa isang video message, tinalakay ng Pangulo ang lumalalang tensyon sa Middle East matapos bombahin ng Israel at Estados Unidos ang Iran, na sinundan naman ng pagganti ng Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga base militar ng Amerika sa United Arab Emirates, Bahrain, Oman, at maging sa Israel.

Ayon kay Marcos, agad na kumilos ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga embahada at labor attaché sa rehiyon upang masubaybayan ang sitwasyon at matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na hanggang alas-9:00 ng umaga nitong Linggo, wala pang naitatalang Pilipinong nasaktan o namatay sa mga insidente. Dagdag pa niya, karamihan sa mga kababayan sa rehiyon ay nananatili sa ligtas na lugar at iniiwasan ang mga lugar na malapit sa mga base militar ng Amerika bilang pag-iingat.