KORONADAL CITY – Nakumpiska ang iba’t ibang kagamitang ginagamit sa ilegal na small-scale mining o “banlas” sa isinagawang operasyon ng LGU Tampakan katuwang ang mga kinauukulang ahensiya sa Barangay Tablu.
Pinangunahan ang isinagawang enforcement activity ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Tampakan sa pakikipag-ugnayan sa Mines and Geosciences Bureau Region XII, Department of Environment and Natural Resources Region XII, Community Environment and Natural Resources Office, Office of the Provincial Environment and Natural Resources Officer ng South Cotabato, SMI, Philippine National Police–Tampakan Municipal Police Station, Regional Mobile Force Battalion XII 1205th Maneuver Company, at Philippine Army 39th Infantry Battalion.
Sa operasyon, nasamsam at winasak ang mga HDPE pipes, collapsible hoses, pinutol na fish nets, metal screens, pala, trapal, at ilang sluice boxes na ginagamit sa nasabing ilegal na aktibidad.
Una rito, inihayag ni Mayor Leonard Escobillo na bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng LGU laban sa mga hindi awtorisadong pagmimina bilang pagtupad sa mga umiiral na batas pangkalikasan at upang matiyak ang proteksiyon sa likas na yaman at kaligtasan ng komunidad.













