-- ADVERTISEMENT --

Sinentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong ang 65 anyos na dating Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol nitong Huwebes, Pebrero 19, matapos hatulang guilty sa insurrection charges kaugnay ng panandaliang deklarasyon niya ng martial law noong Disyembre 2024, na tumagal lamang ng anim na oras.

Ayon sa Seoul Central District Court, malinaw ang intensyon ni Yoon na i-paralisa ang National Assembly, at sinira nito ang demokrasiya ng bansa. Binanggit din ng hukom na ang pagpapadala ng armadong sundalo sa gusali ng parliyamento at ang paggamit ng helicopter sa operasyon ay bahagi ng insurrection.

Matapos ibigay ang hatol, nanatiling kalmado si Yoon, habang nagtipon sa labas ng korte ang libu-libong tagasuporta na nagpakita ng pagkadismaya at galit.

Nauna nang nakasuhan at nagsisilbi na si Yoon ng isang taon ng pagkakakulong kaugnay din sa martial law order. Kasama sa hatol, sinentensiyahan ng 30 taong pagkakakulong ang defense minister na si Kim Yong-hyun.

Samantala, dalawa sa mga akusado, kabilang sina Kim Yong-gun at Yoon Seung-yeong, ay hindi nahatulang guilty.