Nagbabala ang House prosecution na maaaring humaba ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung mahigpit na ipatutupad ang lahat ng technical rules sa authentication ng mga ebidensya.
Umiikot ang usapin sa mga bank documents na isinumite sa impeachment court sa pamamagitan ng subpoena. Kinuwestiyon ng depensa ang paraan ng pag-authenticate sa mga dokumento bago ang kanilang pagtanggap bilang ebidensya.
Ayon kay private prosecutor James Alih, hindi na kailangang dumaan sa mahaba at paulit-ulit na proseso ang authentication, lalo na kung hindi naman kinukuwestiyon ng depensa ang pagiging tunay ng mga dokumento.
Iginiit naman ni defense counsel Carlo Joaquin Narvasa na mahalaga ang masusing authentication upang maprotektahan ang due process rights ng Bise Presidente at matiyak na maayos na nasusuri ang bawat ebidensya.
Sa huli, pinayagan ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero na paikliin ang proseso matapos makita kung gaano ito katagal kung isa-isang ibe-verify ang bawat dokumento.
Layunin ng hakbang na mapabilis ang paglilitis habang napapanatili ang pagkakataon ng magkabilang panig na kuwestiyunin at suriin ang mga ebidensyang inihaharap sa impeachment court.













