Ilang araw bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, muling dinagsa ng libu-libong komento ang Meta account ng International Criminal Court (ICC).
Sa halos bawat post ng international tribunal, daan-daang Pilipino ang nag-iiwan ng komento—karamihan ay walang direktang kaugnayan sa mismong post ng ICC. Kadalasang paksa ng mga ito ang pagkakaaresto ni Duterte noong nakaraang taon, ang pagdadala sa kanya sa The Netherlands, ang nalalapit na paglilitis, at maging ang kanyang mga nagawa bilang pangulo.
Mayroon ding mga komento na umaakusang bayaran ang ICC at ang mga hukom nito, habang ang iba naman ay tinatawag itong “pangingidnap” sa dating pangulo.
Sa kasalukuyan, nakadetine si Duterte sa ICC Detention Centre habang hinihintay ang pagdinig kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa madugong kampanya kontra droga.
Matatandaang noong Marso 2025, ilang araw matapos ang unang pagharap ni Duterte sa ICC, pinuna at binaha rin ng mga mensahe ang LinkedIn at iba pang social media accounts ni ICC Pre-Trial Chamber I Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc.













