-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa US$3.52 bilyon ang cash remittances na ipinadala ng mga Overseas Filipino noong Disyembre 2025, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Mas mataas ito ng 4.2% kumpara sa Disyembre 2024 at mas malaki rin kaysa sa US$2.91 bilyon na naitala noong Nobyembre 2025.

Sa nasabing halaga, US$2.83 bilyon ang nagmula sa mga land-based workers habang US$0.69 bilyon naman ang mula sa mga sea-based workers.

Sa kabuuan, pumalo sa US$35.63 bilyon ang cash remittances para sa buong taon ng 2025, mas mataas ng 3.3% kumpara sa US$34.49 bilyon noong 2024.

Nanguna pa rin ang Estados Unidos bilang pangunahing pinagmumulan ng remittances na may 39.7%, kasunod ang Singapore (7.3%) at Saudi Arabia (6.6%). Kabilang din sa top sources ang Japan (5.0%), pati ang United Kingdom at United Arab Emirates na may tig-4.6%.

Samantala, umabot sa US$3.89 bilyon ang personal remittances noong Disyembre, na nagdala sa kabuuang US$36.62 bilyon para sa buong 2025. Ayon sa BSP, patuloy na nagsisilbing mahalagang haligi ng ekonomiya ang remittances, lalo na tuwing holiday season kung kailan mas mataas ang padala ng mga OFW.