-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril na ikinasawi ng isang sundalo mula Libungan, Cotabato matapos umanong barilin ng kaniyang kapwa sundalo sa loob ng kanilang kampo sa 3rd Infantry Division, Camp General Macario Peralta, Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz, madaling araw ng February 10, 2026, bandang alas-12:20.

Ang biktima ay kinilalang si Private First-Class Wencel Jay Puntuan, nasa hustong gulang, binata, at residente ng Purok 2, Barangay Cabpangi, Libungan, Cotabato.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kapwa umano nag-iinuman sa loob ng kampo ang biktima at ang suspek na si PFC Rosarjoe Manajero, 31 taong gulang, binata, at residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Matapos ang kanilang inuman, bumalik umano sa kaniyang kwarto ang suspek at nagsimulang magwala.

Sinubukan itong awatin ng biktima subalit bigla umano itong pinagbabaril ng suspek. Tinamaan sa likod ng ulo si Puntuan na agad nitong ikinamatay.

Agad namang naaresto ang suspek matapos ang insidente.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo at iba pang detalye ng pamamaril.