Binawian ng buhay ang driver ng isang dump truck matapos mahulog sa bangin sa Sitio Siguil, Brgy. Tinoto, Maasim, Sarangani Province kaninang umaga, Biyernes, bago mag-alas-8.
Kinilala ang biktima na si Jorie Gilo, 45-anyos, residente ng Prk. Garcia, Brgy. Rotonda, Koronadal City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jinkee Eya, bayaw ng biktima, nawalan ng kontrol ang minamanehong truck habang binabaybay ang kalsada para sa delivery, dahilan ng pagkahulog sa humigit-kumulang 30 talampakang bangin.
Ayon kay Eya, nagtamo ng matinding pinsala kabilang ang baling kaliwang braso at pagdurugo mula sa tainga ni Gilo.
Agad naman siyang dinala sa ospital ngunit idineklara na itong patay ng attending physician.
Nakatakda namang dalhin pauwi sa kanilang tahanan ang bangkay ng bikitma.
Kaugnay nito, nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente.













