KORONADAL CITY – Nasa kustodya na ngayon ng mga otoridad ang dalawang hinihinalang smugglers matapos maharang sa checkpoint at makumpiska ang mahigit ₱900,000 halaga ng smuggled cigarettes sa Kalamansig, Sultan Kudarat.
Ayon sa Police Regional Office 12, dakong alas-8 ng umaga noong Nobyembre 20, nasabat ng Kalamansig Municipal Police Station ang isang Mitsubishi Dropside Utility Vehicle na naglalaman ng 23 kahon ng Fort at Canon cigarettes o katumbas ng 1,150 reams na may market value na ₱903,670.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Fahadi,” 22, driver, at “Aram,” 26, laborer, kapwa residente ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur. Agad silang inaresto at ipinaliwanag ang kanilang karapatan sa wikang kanilang naiintindihan.
Dinala na sa Kalamansig MPS ang mga suspek at ang mga kontrabandong sigarilyo para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Mahaharap naman sa kaukulang kaso ang mga naarestong suspek.











