-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya matapos matagpuan ng mga residente ang bangkay ng isang babaeng senior citizen sa gilid ng daan, malapit sa ilog sa Purok Tinago, Barangay San Jose, Koronadal City, kaninang alas-10 ng umaga, Nobyembre 18, 2025.

Kinilala ang biktima na si Cecilia Titular, 65 anyos at residente rin ng lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sergio Limo, kapitbahay ng biktima, sinabi niyang nakahandusay ang katawan nito at wala nang buhay nang makita si Titular matapos malaman na ito’y nawawala.

Ilang oras umano nila itong hindi makita sa bahay kaya nagsimula silang maglibot sa paligid, hanggang sa may nakakita sa katawan nito sa naturang lokasyon.

Patuloy na tinitingnan ng pulisya kung ang insidente ay may foul play o natural death lamang ang dahilan ng pagkamatay.

Samantala, hinihintay pa ang pinal na resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa dahilan ng pagkasawi ng biktima.