-- ADVERTISEMENT --
KORONADAL CITY – Nasira ang tanim na palay ng mga magsasaka sa Barangay Bual, Isulan, Sultan Kudarat matapos malubog sa baha dulot ng malakas na ulan at hangin.
Kinilala ang isa sa mga magsasaka na apektado na si Albino “Manong Boy” Dela Cruz na nawalan ng kabuhayan matapos bumagsak at malubog sa tubig ang kaniyang mga pananim ilang linggo bago ang anihan.
Makikita sa mukha ni Manong Boy ang pagkadismaya dahil sa malaking halaga na ang nagastos sa binhi, abono at pestisidyo, ngunit sa isang iglap ay nawala ang lahat ng pinaghirapan.
Sa ngayon, nananawagan sila sa gobyerno, lalo na sa lokal na pamahalaan ng Isulan, na mabigyan ng agarang tulong ang mga magsasakang labis na naapektuhan ng kalamidad.