Isinusulong ang mas mahigpit na proteksyon laban sa usok ng sigarilyo at vape matapos aprubahan ng House Committee on Health noong Nobyembre 11 ang Smoke-Free and Vape-Free Environment Bill.
Pinuri ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) ang hakbang ng komite, na pinamumunuan ni Manila 4th District Representative Giselle Mary L. Maceda, bilang bahagi ng pagsusulong ng kalusugan ng publiko, partikular ng mga bata at kabataan.
Ang House Bill 9603, na inakda ni Albay 1st District Representative Krisel Lagman, ay naglalaman ng RELATE framework na nakabatay sa mga umiiral na ordinansa laban sa sigarilyo at vape sa Baguio, Iloilo at Davao.
Kabilang sa mga panukalang hakbang ang pag-aalis ng indoor smoking at vaping areas, pagpapalawak ng smoke-free zones, paglalaan ng lokal na pondo para sa kalusugan, pagbuo ng mga task force at pagpapataw ng mas mabibigat na parusa sa mga lalabag.
Ayon kay PLCPD Executive Director Au Quilala, mahalagang maisulong ang panukala upang maprotektahan ang publiko laban sa secondhand smoke.
Batay sa 2024 Global Youth Tobacco Survey, anim sa bawat sampung kabataang Pilipino na edad 13 hanggang 15 ang nakararanas ng exposure sa usok ng sigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Dahil dito, nanawagan ang PLCPD sa buong Kongreso at Senado na suportahan at ipasa ang panukala upang mapalawak ang proteksyon sa kalusugan ng mga Pilipino.







