TANTANGAN, SOUTH COTABATO – Mahigpit na kinondena ng Barangay Council ng Poblacion, Tantangan, South Cotabato ang ginawang pamamaril sa isang bus inspector ng Yellow Bus Line.
Kinilala ang biktima na si Erwin, residente ng nasabing bayan, na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang nasa lugar kung saan madalas nagtatambayan ang mga inspector.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Punong Barangay Edwin Cueva na wala siyang alam na masamang record ang biktima at maging ang ibang mga empleyado ng YBL. Aniya, personal din niyang kilala ang pamilya ng nasawi.
Dagdag pa ni Cueva, agad siyang nagpatawag ng pagpupulong kasama ang mga Purok Leader at Barangay Tanod upang matutukan ang seguridad sa kanilang lugar.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek.
Nanawagan naman ang barangay sa publiko na manatiling alerto at makiisa upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong uri ng krimen.