-- ADVERTISEMENT --

Nagbukas muli ang Department of Migrant Workers (DMW) ng panibagong pagkakataon para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Dubai at Northern Emirates na naapektuhan ng krisis sa Middle East upang makakuha ng tulong-pinansyal.

Noong Biyernes, agad napuno ang unang 1,000 slots para sa one-time financial assistance, ngunit nilinaw ng ahensya na maglalabas pa sila ng karagdagang slots simula Martes, alas-8 ng umaga. Ayon sa Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai, hahatiin ang aplikasyon sa apat na batch na ilalabas tuwing Martes at Biyernes sa loob ng dalawang linggo para maiwasan ang siksikan at mapadali ang proseso.

Upang makapag-apply, kailangang magsumite ng Request for Assistance (RFA) form, kopya ng passport bio page, Emirates ID, patunay ng employment sa abroad, at ebidensya ng pagkaantala o pagkawala ng trabaho.

Mahigpit ding paalala ng MWO Dubai na isang aplikasyon lamang ang pinapayagan bawat aplikante. Ang sinumang magsusumite ng higit sa isa ay awtomatikong madidiskwalipika.

Ang mga mapipiling benepisyaryo ay makatatanggap ng USD $200 (mahigit P12,000), na maaaring matanggap sa pamamagitan ng remittance o i-claim sa mga sangay ng Al Ansari Exchange sa UAE.

Dagdag pa ng DMW, hindi na maaaring mag-apply muli ang mga OFW na nakatanggap na ng kaparehong ayuda kaugnay ng kasalukuyang krisis.