-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas nang nakalabas ng Persian Gulf ang humigit-kumulang 1,100 Pilipinong tripulante, kasunod ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan na nagsimula noong Pebrero 28.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kabilang sa mga nakalikas ang mga seafarer na sakay ng iba’t ibang barko na dumaan sa mga sensitibong ruta tulad ng Strait of Hormuz. Kabilang dito ang limang cruise ships na may tinatayang 800 Pilipinong tripulante.

Dahil sa panganib sa rehiyon, nagsagawa ang mga shipping companies ng precautionary measures tulad ng pagbabago ng ruta at pag-iwas sa high-risk areas upang maprotektahan ang mga sakay ng barko.

Patuloy namang mino-monitor ng DMW ang sitwasyon sa dagat sa pamamagitan ng marine traffic systems at mahigpit na koordinasyon sa mga manning agencies at shipowners. Layunin nito na masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong seafarer habang nasa byahe.

Bukas din ang ahensya sa komunikasyon para sa mga tripulante at kanilang pamilya upang maibigay ang updates at agarang tulong kung kinakailangan.

Sa kabuuan, itinuturing ng gobyerno na mahalagang hakbang ang matagumpay na paglabas ng mga tripulante mula sa high-risk zone, lalo na sa gitna ng patuloy na geopolitical tensions sa rehiyon.