Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nananatiling ligtas sa hantavirus ang 38 Pilipinong tripulante ng cruise ship na MV Hondius, kahit na may naitalang mga kaso at pagkamatay sa barko habang ito’y nakahimpil malapit sa Cape Verde.
Ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo, mahigpit na ipinatutupad ang quarantine protocols para sa mga crew sa Cabo Verde bilang pag-iingat.
Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO), umabot sa 147 katao ang sakay ng barko, kung saan tatlo ang nasawi—kabilang ang isang mag-asawang Dutch na kumpirmadong tinamaan ng hantavirus. Sa kabuuan, pitong kaso ang naitala, habang patuloy na inoobserbahan ang iba pang pasahero at crew.
Ilan sa mga nagkasakit ay dinala sa ospital sa South Africa, habang ang iba ay planong i-evacuate papuntang Netherlands para sa mas advanced na gamutan.
Samantala, tiniyak ng DOH na ang mga Pilipinong seafarers ay sasailalim sa patuloy na testing at quarantine bago payagang makauwi, alinsunod sa health protocols ng mga bansang kanilang dadaungan, kabilang ang Canary Islands sa Spain.
Pagdating sa Pilipinas, daraan pa sila sa health screening ng Bureau of Quarantine bilang dagdag na proteksyon laban sa posibleng pagpasok ng sakit sa bansa.
Inihalintulad ang insidenteng ito sa mga quarantine scenario noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ngunit iginiit ng DOH na mas handa na ngayon ang mga bansa sa pagtugon sa ganitong uri ng health emergency.
Ang hantavirus ay isang seryosong sakit na naipapasa sa pamamagitan ng exposure sa ihi, laway, o dumi ng daga. Bagama’t wala pa itong tiyak na lunas, mahalaga ang maagap na pagtukoy at gamutan upang maiwasan ang malubhang komplikasyon.
Patuloy na sinusubaybayan ng WHO ang sitwasyon, lalo na ang posibilidad ng human-to-human transmission sa mga taong nagkaroon ng close contact sa mga pasyente.












