-- ADVERTISEMENT --

Tatlong overseas Filipino workers (OFWs) ang nasugatan matapos tamaan ng mga debris at epekto ng isang drone strike na nakaapekto sa Kuwait International Airport noong Hunyo 3.

Ayon sa Department of Migrant Workers, kabilang ang tatlong Pilipino sa mahigit 60 kataong nasugatan sa insidente, na nagdulot din ng pinsala sa ilang pasilidad at gusali sa loob ng paliparan.

Dalawa sa mga OFW ang agad na nabigyan ng kinakailangang lunas, habang ang ikatlong biktima ay kinailangang tahiin matapos magtamo ng mga sugat sa kamay at ulo. Kinumpirma ni Hans Leo Cacdac na personal nang inasikaso at binisita ng Migrant Workers Office ang mga nasugatang manggagawa, na nakalabas na rin ng ospital matapos makatanggap ng paggamot.

Patuloy na mino-monitor ng DMW ang sitwasyon sa Kuwait at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa lugar. Kasabay nito, pinag-aaralan na rin ang mga hakbang para sa posibleng pagpapauwi ng mga OFW na apektado ng tensyon at kaguluhan sa nasabing bansa.

Samantala, itinanggi ng Iran ang alegasyong sila ang responsable sa pag-atake. Ayon sa mga naunang ulat, posibleng isang interceptor missile na inilunsad ng United States ang nagmintis sa target at tumama sa direksyon ng paliparan, dahilan upang magkaroon ng mga nasugatan at pinsala sa lugar.