-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang 21,000 metrikong tonelada ng liquefied petroleum gas (LPG) na binili mula sa Estados Unidos sa buwan ng Mayo.

Bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang matatag at maaasahang suplay ng langis sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan, kung saan nagmumula ang crude oil na pinoproseso upang makalikha ng LPG at iba pang uri ng fuel.

Sa isang pahayag ngayong Sabado, Abril 25, sinabi ng Department of Energy (DOE) na inaasahang darating ang shipment sa bansa mula Mayo 20 hanggang 31 at ididiretso ito sa Batangas.

Inaasahan din na mapapalakas ng paparating na shipment ang imbentaryo ng LPG sa bansa at madaragdagan ang supply buffers para sa mga sambahayan at negosyo.

Ayon sa DOE, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa pamahalaan at mga industry stakeholders upang matiyak ang energy security, mapanatili ang matatag na suplay, at maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong umaasa sa LPG para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.