-- ADVERTISEMENT --

Nakalaya na ang 10 sa 14 na tinaguriang “Maleta Boys” matapos makapaglagak ng piyansa kaugnay ng kanilang mga kasong perjury sa Las Piñas Regional Trial Court (RTC).

Sampu sa kanila ang inaresto ng Las Piñas City Police matapos hindi agad makapagpiyansa sa apat na bilang ng perjury. Tatlo naman ang nakapagpiyansa bago ang itinakdang deadline ng korte, habang ang isa ay kasalukuyang nasa probinsya.

Nagpasalamat si Atty. Levito Baligod, abogado ng 14 na “Maleta Boys,” sa mga tumulong upang makapagpiyansa ang kaniyang mga kliyente.

Ang mga kaso ay may kaugnayan sa mga nauna nilang salaysay na nag-uugnay sa ilang opisyal ng pamahalaan sa umano’y korapsiyon at kickback scheme sa mga flood control projects.

Samantala, apat sa kabuuang 18 “Maleta Boys” ang nauna nang bumawi sa kanilang mga pahayag. Kabilang sa mga nag-recant ang mga dating nagdawit kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal sa umano’y kickback scheme sa flood control projects.

Nauna nang ibinunyag ni Baligod ang umano’y tangkang panunuhol sa ilan sa mga dating bodyguard na bumawi sa kanilang mga salaysay. Inaasahan niyang maibubunyag ng mga ito kung sino ang nasa likod ng umano’y pagtatangkang suhulan sila.

Ang 18 “Maleta Boys” ay mga dating bodyguard ni dating congressman Zaldy Co na sinasabing naghatid umano ng mga maleta ng pera sa ilang matataas na opisyal.

Bukod sa kasong perjury sa Las Piñas City, nahaharap din ang grupo sa anim na bilang ng cyber libel sa iba pang korte.