-- ADVERTISEMENT --

MALAPATAN, Sarangani — Umakyat na sa sampu ang kumpirmadong nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos ang landslide na tumama sa Sitio Fundao, Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani, nitong Biyernes, Hulyo 10.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sampung katao ang unang naiulat na natabunan nang gumuho ang bahagi ng bundok kasunod ng matinding pag-ulan. Isang 31-anyos na lalaki ang nailigtas ng mga rescuer at agad na dinala sa ospital para sa kinakailangang medikal na atensyon.

Patuloy ang search and retrieval operations ng mga awtoridad, rescue teams, at mga boluntaryong residente upang mahanap ang tatlo pang nawawala at masuri ang kabuuang epekto ng insidente sa lugar.

Pinaniniwalaang dulot ng walang tigil na pag-ulan bunsod ng Habagat, na pinalalakas ng Bagyong Inday, ang pagguho ng lupa.

Dahil dito, muling nagbabala ang mga awtoridad sa mga residenteng nakatira sa mga lugar na may mataas na panganib ng landslide at pagbaha na manatiling mapagmatyag at agad sumunod sa mga kautusan at abiso ng lokal na pamahalaan habang nagpapatuloy ang masamang lagay ng panahon.