-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon at clearing operations sa Banga National High School matapos ang pamamaril na naganap ngayong hapon partikular sa Grade 9 area ng paaralan kung saan isa ang binawian ng buhay at apat na estudyante ang nasugatan.

Batay sa paunang impormasyon mula sa mga awtoridad na halos mga estudyante ang naiulat na nasugatan sa naturang insidente habang ang suspek ay binawian diumano ng buhay.

Ayon sa paunang salaysay ng mga saksi, nagsimula ang kaguluhan nang magkaroon umano ng komprontasyon ang dalawang indibidwal na sinasabing may naunang alitan. Pareho umanong may dalang armas ang mga ito, at isa sa mga itinuturong sangkot ay kabilang din sa mga nasugatan.

Agad namang isinugod ang ilan sa mga biktima sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City para sa agarang pagpapagamot.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang clearing operations ng mga tauhan ng Banga Municipal Police Station sa loob ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at personnel, gayundin upang matukoy ang eksaktong bilang ng mga nasugatan at makalap ang iba pang detalye kaugnay ng insidente.

Patuloy ding inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril at ang buong pangyayari bago at habang naganap ang insidente.

Agad na sinuspinde ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang klase sa lahat ng antas sa buong munisipalidad ng Banga kasunod ng insidente.

Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Department of Education kung saan mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Schools Division Office, Regional Office, at mga pulis upang malaman ang buong katotohanan.

Tiniyak din ng ahensya na handa silang magbigay ng psychological first aid at psychosocial support sa mga mag-aaral at personél na nakaranas ng trauma.