-- ADVERTISEMENT --

Posibleng magkaroon ng panibagong hakbang sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos nitong matukoy ang umano’y mga problema sa 47 flood control projects sa isang distrito ng Davao City.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, 100 proyekto ang sinuri ng ahensya, kung saan anim sa mga na-flag na proyekto ang malinaw umanong may problema, kabilang ang mga tinukoy na posibleng ghost at substandard projects.

Isa sa mga napansin ng NBI ay ang paggamit umano ng iisang set ng coordinates para sa limang magkakaibang budget na may magkakaibang project title.

Kaugnay nito, sinabi ni Matibag na magpapalabas ang NBI ng subpoena laban sa tatlong contractor at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang bahagi ng pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Nilinaw naman ni Matibag na hindi kabilang si Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Duterte sa mga papadalhan ng subpoena.

Patuloy na sinusuri ng NBI ang mga dokumento at implementasyon ng mga proyekto upang matukoy kung may pananagutan sa mga nakitang iregularidad.