Nanawagan si Pope Leo XIV ng mas matibay na pagprotekta sa kalayaan sa pamamahayag kasabay ng paggunita ng World Press Freedom Day, na naglalayong kilalanin ang papel ng media at alalahanin ang mga mamamahayag na nasawi sa kanilang tungkulin.
Sa kanyang lingguhang panalangin sa Saint Peter’s Square, binigyang-diin ng Santo Papa na patuloy na nalalabag ang karapatan sa malayang pamamahayag—minsan lantaran, at minsan ay sa mas hindi nakikitang paraan. Ipinunto niya na sa kabila ng kahalagahan nito sa lipunan, dumarami ang banta sa mga mamamahayag sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Hinimok din niya ang publiko na alalahanin ang mga reporter na nagbuwis ng buhay sa paghahanap ng katotohanan, lalo na sa mga lugar na tinatamaan ng digmaan at kaguluhan.
Ang UNESCO ang nangunguna sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day tuwing Mayo 3, bilang suporta sa mga media na nakararanas ng pressure at upang parangalan ang mga mamamahayag na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Sa mga nauna niyang pahayag, iginiit ng Papa na ang malayang pamamahayag ay isang pundasyon ng demokrasya, at ang impormasyon ay isang pampublikong yaman na dapat protektahan laban sa manipulasyon at pang-aabuso.













