Hinimok ni Vice President Sara Duterte ang mga Pilipino na patuloy na gamitin at paunlarin ang Wikang Filipino bilang kasangkapan sa pagkatuto, pananaliksik at pagkuha ng impormasyon sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI).
Sa kaniyang mensahe para sa Buwan ng Wika, binigyang-diin ni Duterte na hindi dapat mapag-iwanan ang Filipino sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya. Aniya, maaari itong magsilbing “sandata sa karunungan at digital innovation.”
Nakaangkla ang selebrasyon ngayong taon sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Ayon kay Duterte, mahalaga rin ang wika bilang bahagi ng kultura, kasaysayan at pagkakaisa ng mga Pilipino. Para sa mga overseas Filipino workers, nagsisilbi rin umano itong paalala ng kanilang tahanan kahit nasa ibang bansa.
Binigyang-diin din niya ang paggamit ng wika at teknolohiya bilang bahagi ng mga hakbang tungo sa pagbuo ng mas ligtas na bansa para sa mga bata.













