Naglaan ng oras si Vice President Sara Duterte sa pananalangin sa bisperas ng nakatakda niyang impeachment trial sa Senado sa Lunes, Hulyo 6.
Bumisita ang Bise Presidente sa Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer sa Bogo City, Cebu, kung saan nagsindi siya ng kandila at nag-alay ng panalangin para sa kapayapaan ng bansa at kaligtasan ng mga Pilipino, maging sa loob man o labas ng Pilipinas.
Sa mga larawang ibinahagi ni Duterte sa kaniyang social media account, sinabi niyang isinama rin niya sa kaniyang panalangin ang patuloy na pagbangon ng Bogo City mula sa pinsalang iniwan ng nagdaang malakas na lindol.
Ayon kay Duterte, ipinagdasal din niya ang kalagayan ng mga residente at ang mabilis na rehabilitasyon ng Archdiocesan Shrine of St. Vincent Ferrer, na kabilang sa mga istrukturang naapektuhan ng lindol. Sa kasalukuyan, pansamantalang idinaraos ang mga misa sa isang temporaryong gusali sa loob ng compound ng simbahan habang isinasagawa ang mga kinakailangang hakbang para sa pagbangon nito.
Hiniling din ng Bise Presidente ang patuloy na pagkakaisa, katatagan, at pagmamahal ng mga Pilipino sa bansa sa gitna ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng sambayanan.
Ang pagbisita ni Duterte sa simbahan ay naganap isang araw bago ang itinakdang pagsisimula ng kaniyang impeachment trial sa Senado.













