-- ADVERTISEMENT --

Kinuwestiyon ng prosecution ang pahayag ni AFP Col. Manaros Boransing II na naging matagumpay ang Youth Leadership Summit (YLS) sa pagpigil sa recruitment ng kabataan ng mga radikal na grupo.

Sa pagdinig ng Impeachment Court, iginiit ni Boransing na nakatulong ang programa na protektahan ang kabataan laban sa recruitment at misinformation. Aniya, layunin ng YLS na hubugin ang mga kabataan bilang responsable at aktibong miyembro ng kanilang komunidad.

Gayunman, iginiit ni Atty. Reynaldo Robles ng prosecution na kung epektibo ang programa, bakit kinailangan pang gumamit ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong 2023 para sa mga katulad na aktibidad.

Itinanggi naman ni Boransing na nakatanggap ang kanilang yunit ng pondo mula sa DepEd o Office of the Vice President, na kapwa pinamunuan ni Vice President Sara Duterte.

Ang usapin ay bahagi ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa paggamit ng P125 milyong confidential funds ng DepEd, na sinasabing nagastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.