-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na matatag pa rin ang suplay ng langis sa bansa at wala itong nakikitang pangangailangan na mag-angkat pa ng karagdagang fuel sa ngayon, sa kabila ng bagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo na ipinatupad ngayong Martes, Mayo 5.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, sapat pa ang kasalukuyang imbentaryo ng langis kaya hindi na kailangang magdagdag ng panibagong order. Dagdag niya, limitado rin ang kapasidad ng imbakan ng bansa, kaya mahalagang manatili sa kasalukuyang supply management. Tinatayang nasa 150 milyong litro ng diesel ang ginagamit bilang buffer stock.

Sa pinakahuling datos ng DOE, umaabot sa 53.71 araw ang kabuuang suplay ng langis sa bansa. Hiwalay na breakdown nito ay: gasolina na may 52.64 araw, diesel na 54.58 araw, kerosene na 166.67 araw, jet fuel na 71.14 araw, fuel oil na 62.69 araw, at LPG na may 40.46 araw na supply.

Kasabay nito, inaasahan ding tataas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong buwan ng humigit-kumulang ₱1.33 kada kilo, o katumbas ng ₱13.42 dagdag sa bawat 11-kilogram na tangke.

Sa sektor ng kuryente, sinusuportahan ng DOE ang panukalang alisin ang value-added tax (VAT) sa electricity bills upang makatulong sa pagpapababa ng gastusin ng mga konsyumer, bagama’t ang desisyon ay nakasalalay pa rin sa Department of Finance.

Sa kabila ng mainit na panahon at inaasahang pagtaas ng demand, tiniyak ng DOE na sapat pa rin ang suplay ng kuryente sa buong bansa at patuloy ang kanilang mahigpit na monitoring upang maiwasan ang anumang posibleng kakulangan.