Magkakaroon ng magkaibang galaw sa presyo ng produktong petrolyo simula alas-6 ng umaga ngayong Martes, Hunyo 16, ayon sa Department of Energy (DOE).
Inaasahang bababa ang presyo ng diesel ng P3.71 hanggang P5.71 kada litro at kerosene ng P0.50 hanggang P2.50 kada litro. Samantala, hindi pa tiyak ang magiging galaw ng gasolina dahil maaari itong bumaba ng hanggang P0.32 kada litro o tumaas ng hanggang P1.68 kada litro.
Ipinaliwanag ng DOE na nagkakaiba ang aktuwal na presyo sa bawat istasyon dahil sa layo nito sa mga depot at sa pricing policies ng mga fuel retailer.
Ang rollback sa diesel at kerosene ay kasunod ng malalaking dagdag-presyo noong nakaraang linggo, kung saan tumaas ang gasolina ng P0.30 kada litro, diesel ng P4.80 hanggang P5.77 kada litro, at kerosene ng P4.75 hanggang P8.10 kada litro.
Sa kabila ng mga pagbabagong ito, nananatiling mataas ang kabuuang pagtaas ng presyo ng langis ngayong taon. Mula Enero hanggang Hunyo 9, umabot na sa net increase na P45.32 kada litro ang gasolina, P43.41 ang diesel, at P37.80 ang kerosene.
Samantala, positibo ang pananaw ng DOE sa ulat na nagkaroon ng kasunduan ang Estados Unidos at Iran upang maibsan ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, makatutulong ito upang maging mas matatag ang pandaigdigang suplay ng langis, bagay na mahalaga para sa Pilipinas na umaasa sa imported na petrolyo.
Batay sa datos ng DOE noong Hunyo 12, sapat pa ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa para sa halos 46 na araw na konsumo. Kabilang dito ang 44.98 araw na suplay ng gasolina, 43.06 araw para sa diesel, at mahigit 139 araw para sa kerosene.













